Habang mainit na pinag-uusapan at inaabangan ang tungkol sa pag-arangkada ng impeachment trial kay Vice President Sara Duterte, paulit-ulit na naririnig ang salitang "forthwith" na tila idinidikdik kay Senate President Chiz Escudero, na nakatanggap ng samu't saring kritisismo at pangangalampag sa iba't ibang politikal na indibidwal at grupo para simulan na ito.
Pero, ano nga ba ang ibig sabihin ng salitang "forthwith?"
Kung titingnan ang Merriam-Webster Dictionary, ang ibig sabihin ng salitang ito ay "as in immediately" o "without delay." Isa itong adverb o pang-abay sa Filipino.
Ang mga binanggit na salitang synonyms o kasingkahulugan nito ay immediately, promptly, instantly, now, directly, shortly, soon, at right. Ang antonyms o kataliwas namang kahulugan nito ay slowly, late, o tardy.
Ganito rin ang pagpapakahulugan ng iba pang mga diksiyunaryo gaya ng Oxford English at Collins Dictionary.
Sa paliwanag naman ng iba't ibang eksperto simula nang pumutok ang isyu ng "forthwith," sa mabilis na paraan, ang salitang "forthwith" ay nangangahulugang gawin agad o kaagad. Madalas itong ginagamit sa mga opisyal na konteksto o legal na mga dokumento upang ipahiwatig ang kagyat na pagtupad sa isang utos o direktiba.
Kabilang din dito ang mga legal na kasunduan, opisyal na mga proklamasyon, at iba pang mga pangyayari kung saan ang mabilis na aksyon ay mahalaga. Isa na nga rito ang impeachment ng isang pinunong-bayan.
Nakasaad sa Section 3 (4) ng Article XI ng Saligang-Batas ng Pilipinas na "In case the verified complaint or resolution of impeachment is filed by at least one-third of all the Members of the House, the same shall constitute the Articles of Impeachment, and trial by the Senate shall FORTHWITH proceed."
Sa isang pahayag naman ni Senate Majority Leader Francis Tolentino, sinabi niyang maaaring may "legal questions" ang kahulugan ng forthwith na ito sa Korte Suprema. Iginiit na rin kasi ni Senate Minority Leader Aquilino Pimentel III na kailangan na raw magkasa ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos, Jr, ng isang special session para umusad na ang impeachment, taliwas sa desisyon ni Senate President Escudero.
"I respect the decision of the Senate president. As a lawyer also, I respect the comment of Senator Pimentel. True enough the Constitution provides for the word forthwith. And forthwith means 'immediately shall act on it,'" ani Tolentino.
"Yung salita siguro let others analyze and decide the exact meaning of forthwith kung really (if it is really) 'immediately.'"
"If there is going to be a decision on forthwith, it has to come from the Supreme Court whether declaratory relief or mandamus. Puwede ba kami [Senate] i-compel sa mandamus? Hindi siguro kasi co-equal branch. But forthwith can be clarified," ani Tolentino.
KAUGNAY NA BALITA: Impeachment kay VP Sara, ‘maikokonsidera nang ibinasura’ ‘pag ‘di umusad hanggang Hunyo 30—Sen. Tolentino
Kinalampag na rin ni Sen. Risa Hontiveros kamakailan si SP Escudero at iginiit na kailangan nang isagawa ang impeachment trial sa lalong madaling panahon, subalit nagkaroon pa ito ng isyu, nang makitang tumayo sa pagkakaupo ang Senate President at tila "tinalikuran" si Hontiveros.
KAUGNAY NA BALITA: SP Chiz, sinita matapos 'talikuran' si Sen. Risa habang nagsasalita
Sa paglilinaw naman ni SP Escudero sa pagharap sa media nitong Lunes, Hunyo 9, nilinaw niyang wala silang nilalabag na batas sa Senado, dahil ang tinutukoy raw na "forthwith" sa Saligang-Batas ay nang tanggapin ng Senado ang iniakyat na Articles of Impeachment ng House of Representative noong Pebrero 5, 2025. Hindi naman daw sinasaad ng "forthwith" na kinakailangang umpisahan agad ang impeachment trial.
KAUGNAY NA BALITA: Kamara, sinunod Konstitusyon hinggil sa ipinasang impeachment case vs VP Sara – Velasco
Nilinaw rin ni Escudero ang mga kumakalat na espekulasyong may mga umiikot na senate resolutions na naglalayong ibasura ang nabanggit na impeachment trial.
KAUGNAY NA BALITA: Reso na magbabasura sa impeachment ni VP Sara, hindi pa nakikita ni SP Chiz
KAUGNAY NA BALITA: 'Meron o wala?' Mga senador, iba-iba tugon sa resolusyong babasura sa impeachment ni VP Sara
KAUGNAY NA BALITA: 'Made from Bato!' Reso para ibasura impeachment ni VP Sara, galing kay Sen. Bato
Sa kabilang banda, magsisimula na ang pagbasa ng Articles of Impeachment sa Senado sa darating na Miyerkules, Hunyo 11, at inaasahang gugulong at magtatapos sa Lunes, Hunyo 30.
KAUGNAY NA BALITA: Ano ang susunod na proseso sakaling ma-impeach sa Kamara si VP Sara?